Goal ng Antares Programming na magbigay ng educational resources tungkol sa Web development para sa mga nagsasalita ng Filipino. Sa nakalipas na dalawang taon, ginagawa ito ng Antares Programming sa pamamagitan ng paggawa ng mga infographic at blog posts. Sumubok din tayo ng videos sa Youtube, originally sa channel ko. Nakagawa tayo ng ilang screencasts at vlogs tungkol sa CSS.
Pero kailangan na nating dalhin ito sa susunod na steps. Kaya ito ang official announcement: ang Courses by Antares Programming magiging available na sa September 30, 2020.
Ang Courses by Antares Programming
Isa itong series ng mga articles na nagtuturo ng basics ng Web development. May mga kasama rin itong videos at code samples. At kapag natapos na ang bawat isang course, magkakaroon ng libreng PDF file ng buong course na puwede ninyong ma-download. At siyempre, kagaya ng dati, lahat ito ay sa Filipino/Tagalog.
Sa ngayon, mayroong tatlong course na magiging available. Ang Essentials of HTML at Essentials of CSS ay magiging available simula September 30, 2020, at magiging available naman ang Basics of Web Programming with JavaScript sa January 30, 2020.
Kasabay ng launch ng Courses ang announcement ng Antares Programming Youtube channel. Sa channel na ito ia-upload ang mga course video na gagamitin sa Courses.
Kapag nagsimula ang mga course, hindi pa kumpleto ang content nito. Unti-unti rin itong madaragdagan every one or two weeks. Hindi rin ito magkakaroon ng certificate sa dulo. At bilang paalala, libre ang lahat ng ito, hindi mo kailangang magbayad ng kahit na ano.
Ang goal
Goal ng Courses ang maihatid ang pag-aaral ng Web development sa mga taong gustong matuto pero may limitadong access sa Internet. Ginawa ko ang Courses by Antares Programming base na rin sa journey ko sa pagiging developer. Isa akong tipikal na Pilipinong gustong matutong mag-program. Pero dahil sa ilang limitasyon financially, hindi naging madali iyon. Umasa ako sa mga educational resources na puwedeng ma-download offline.
Wala akong laptop o smartphone noong unang dalawang taon ko sa college. Kaya nagpupunta ako sa mga computer shop o pisonet dala ang USB flashdrive ko para mag-download ng mga tutorial video sa Youtube. Nagpupunta rin ako sa mga documentation ng mga technology na inaaral ko para i-copy at i-paste sa isang .txt
file ang mga article. Pagkatapos isasaksak ko ang flashdrive ko sa portable DVD player na mayroon kami, at doon ako magbabasa. Nagpo-program din ako gamit ang papel at ballpen, at pagkatapos ita-type ko iyon sa pisonet (pakiramdam ko para akong si Ada Lovelace kapag nagpo-program ako sa papel).
Kaya ang target audience ng Courses ay ang mga taong gaya ko rin. Karamihan sa mga features ng Courses ay puwedeng ma-download. Open source din ang code ng website na ito, kaya puwedeng i-download ang Markdown files ng mga course, na puwede namang ma-view ng kahit na anong device na may USB port.
Support
Libre ang Courses by Antares Programming. Pero hindi rin biro ang paggawa nito. Malaking trabaho ito. Kung gusto mong suportahan ang Antares Programming, puwede kang mag-donate dito via GCash. Tinatanggap namin kahit magkano. Sa hinaharap, magkakaroon din ang Antares Programming ng Patreon account.
Puwede kang mag-donate sa aming GCash:
0906 313 7462
Bisitahin ang Courses by Antares Programming ngayon.