About Antares Programming
Ang Antares Programming ay isang project na tungkol sa paggawa ng high quality Web development resources para sa mga Pilipino.
Layunin ng Antares Programming na makapag-provide ng de-kalidad na educational resources tungkol sa Web development para sa mga Pilipino.
Ang problema
Mula pa sa pagkabata, ang mga Pilipino ay bilingual o multilingual. Karamihan ay nagsasalita ng higit sa isang wika, kadalasan na ay English, Filipino, at ang wikang kinalakhan nila (mother tongue). Pero hindi pa rin nito maiaalis na hindi lahat ay kayang magsalita ng fluent English, at hindi lahat ay kayang umintindi ng technical documents sa wikang Inggles.
Karamihan ng tutorials at documentation tungkol sa mga technologies na ginagamit sa Web development ay nasa wikang Inggles. At lahat ng mga ito ay technical at gumagamit ng mga jargons na hindi gaanong pamilyar sa maraming Pilipino. Puwede itong gumawa ng mataas na barrier to entry para sa mga gustong mag-aral ng Web development. Ang goal ng Antares Programming ay makatulong, kahit paaano, na masolusyunan ang problemang ito.
Ang gawain ng project na ito
Bilang tulong sa mga Pilipinong hindi gaanong natututo sa wikang Ingles, ginawa ang Antares Programming para maglabas ng mga educational resource tungkol sa Web development sa wikang Filipino. Ang Web ay isang bukas na platform, kaya dapat nating siguruhin na may kakayahang pumasok dito anglahat ng gustong matuto.
Ang layunin ng Antares Programming ay kalidad, isang bagay na hindi madaling ma-achieve. Para sa Antares Programming, de-kalidad ang isang educational resource kung
- tumpak ang nilalaman nito. Higit sa lahat ng iba pang characteristics ng isang de-kalidad na educational resource, pinakamahalaga ang accuracy ng impormasyong inilalaan nito. Kahit ma-achieve ng isang educational resource ang lahat ng iba pang characteristics na gusto nitong maabot, hindi ito magiging “educational” kung hindi ito tumpak.
- madali itong maunawaan. Ang isang educational resource ay madaling maintindihan ng kahit na sinong may sapat na prerequisite knowledge sa isang paksa. Malaking bahagi nito ang wikang ginagamit sa nasabing resource dahil wika ang nagsisilbing channel ng information papunta sa mag-aaral.
- accessible ito. Ang isang de-kalidad na educational resource ay accessible sa lahat ng tao, anuman ang disability nila, lokasyon, environment, o wika. Ang isang de-kalidad na educational resource ay naka-distribute sa iba’t ibang format at media, lalong-lalo na sa text format.
Pag-achieve sa mga characteristics ng isang de-kalidad na educational resource
Accuracy
Kumukuha ang Antares Programming ng impormasyon mula sa mga mapagkakatiwalaang source. Para sa Web development practice, madaling i-verify ang impormasyon kung ite-test lang sa browser ang isang technology. Ang paggana ng technology o feature ay kumpirmasyon na ang source ay nagsasabi ng accurate na impormasyon.
Sa Web development, ang W3C Specifications ang ultimate source of truth. Pero isa itong technical document tungkol sa mga features na dapat makita sa mga Web browser. Para sa source na mas simple at madaling unawain, ginagamit ng Antares Programming ang Mozilla Developer Network Documentations na ibinase mismo sa mga specifications.
Para naman sa mga impormasyon tungkol sa mga bagong framework, techniques, at paparating pa lang na technology, credible sources ang CSS Tricks, Smashing Magazine, at A List Apart. Nariyan din ang iba’t ibang personal blog mula sa mga developers. Kailanma’t ginagamit ang mga personal blog na ito sa mga articles ng Antares Programming, nakalagay ang link nila sa References section ng article.
Ease of understanding
Sa bawat article, sinisikap ng Antares Programming na gumamit ng wikang madaling unawain. Kasama rito ang pagsusulat na parang personal na nakikipag-usap sa mambabasa. Kasama rin dito ang pagkakaroon ng definition sa lahat ng terminology na ginagamit sa isang article, regardless kung ang target audience ng article ay isang grupo na karaniwan nang may kaalaman tungkol sa topic—kailangang maunawaan din ito ng mga taong interesado pero hindi pamilyar dito.
Itinuturo sa high school ang Web development, kaya naman mahalaga na madaling maintindihan ang mga article para sa mga mag-aaral na 11 hanggang 18 years old. Para sa lahat ang Web development, at kahit hindi mga bata ang target audience ng Antares Programming articles sa pangkalahatan, sinisikap nito na gawing madali para sa kanila na maintindihan ang binabasa nila. At para sa kanila, may isang espesyal na effort na ginagawa sa mga videos ng Antares Programming Youtube channel.
Accessibility
Sinisikap ng Antares Programming na gawing accessible sa lahat ang Web site na ito. Sa panahon ng pagde-develop ng site na ito, pinag-iisipang mabuti kung paano mae-experience ng isang taong may disability ang isang Web site. Ang totoo, hindi lang mga taong may disability ang nakikinabang sa accessibility features ng isang Web site. Makikinabang sa mga subtitle ang isang taong walang disability pero nasa isang maingay na lugar. Magagamit ng isang taong may malalaking daliri ang pagkakaroon ng malalaking button na madaling i-tap. Pasasalamatan ng isang taong busy sa gawaing bahay kung puwede siyang gumamit ng screen reader para basahin ng computer sa kaniya ang buong article habang may iba siyang ginagawa. Pahahalagahan ng isang taong may sirang computer peripherals kung puwedeng mag-navigate sa isang site gamit lang ang keyboard o voice command.
Kasama rin sa accessibility requirement ng Antares Programming para sa lahat ng content nito ay ang alternative media. Kung ang content ay isang rich media gaya ng image o video, dapat na laging mayroon itong text alternative. Para sa mga taong may disability sa paningin, o sa mga lugar kung saan mabagal ang Internet connection speeds, at iba pang mga kaso kung saan hindi mai-display ng browser ang media, lagi nitong maidi-display ang text. Kaya mahalaga na may text alternatives ang lahat ng media.
Pagse-share ng content mula sa Antares Project
Ang lahat ng content sa site na ito ay licensed under Creative Commons Attribution-ShareAlike 4.0 International License. Ibig sabihin, puwede mong i-redistribute ang lahat ng content sa site na ito saanman sa mundo, pero hindi mo ito puwedeng pagkakitaan, at dapat na wala ka ring babaguhin sa content.
Kailangan mong maglagay ng attribution kapag ire-redistribute mo ang content mula sa site na ito. Puwede mong kopyahin ang content mula sa site na ito, at gumawa ng sarili mong content base sa content ng Antares Programming, pero kailangan magbigay ng credits at kailangan mo ring banggitin ang author at ang pinagmulan ng content, ang Antares programming. Kailangan mong banggitin ang pamagat, author ng content (article man ito, video, audio, o image), link papunta sa original na content, at ang license na ginagamit namin, ang CC BY-SA 4.0.
Kapag ire-redistribute mo ang content ng Antares Programming,
- Maglagay ng copyright notice. Banggitin na ang content na galing sa amin ay licensed under CC BY-SA 4.0.
- Banggitin ang pangalan ng author. Mas maganda rin kung sasamahan mo ito ng link papunta sa profile page ng author ng content. Ang profile page ng lahat ng authors ng Antares Programming ay makikita sa about:Authors section ng site na ito.
- Ilagay ang pamagat ng content. Lagyan din ito ng link papunta sa original na content.
- Banggitin kung ang paraan mo ng redistribution ay isang derivative work o adaptation. Halimbawa, kung gusto mong i-translate sa English ang content ng Antares Programming at ilagay iyon sa sarili mong Web site, maglagay ng isang notice na gaya ng
This is an English translation of [title ng article] by [pangalan ng author].
Para sa higit pang detalye, basahin ang license sa Creative Commons Web site.